Saturday, 31 March 2012

Balang Araw

Ako ay nakaupo sa apat na sulok ng aking kwarto.

Napakalungkot.

Pati ang dilim ay dumadamay sa akin.

Walang huni ng ibon,
Walang kuliglig ng bubuyog.

Patay na lugar - katulad ng aking patay na damdamin.

Tsaka ko naisip, wala ako sa aking bayang sinilangan!
Ako ay nasa ibang bansa!

Marami mang salapi akong kinikita, subalit ito ay hindi sapat upang maibsan ang lungkot na aking nadarama.

Walang ingay, hindi ko naririnig ang litanya ng aking Inay.
Wala ang mga nagtitinda ng kung anu-ano sa daan.

Tsaka ko naisip, napakahirap malayo sa sariling bayan!
Masakit malayo sa pamilyang nagmamahal!


Ang maliit na sulok ng aking kwarto ay simbolo ng aking damdamin.
MALUNGKOT.
MADILIM.
NAGDURUSA.
WALANG BUHAY.

Ito ang buhay na aking pinili, kapalit ng pangarap para sa aking sarili at sa aking mga mahal sa buhay.
Pangarap kung bigyan sila ng maayos na buhay.
Kaya iniwan ko ang masayang buhay sa Pilipinas at dumayo sa banyagang bansa.


Balang araw . .. Matatapos din ang aking pagdurusa.
Balang araw .. . Ang madilim na kwartong ito ay liliwanag din.
Balang araw . .. Ang malungkot na kwartong ito sa sasaya rin.
- Sherry